COPYRIGHT

Social Sciences 180 [Epistemological Issues of the Social Sciences] section JF, 1st semester AY 2007-2008, under Prof. Narcisa Paredes-Canilao. University of the Philippines Baguio.

All electronic works posted here are copyright properties of their respective authors. Permission is granted for electronic copying and distribution in print form for educational purposes and personal use, granted that the author/s and the website are properly cited.

Proper citation must include the following:
Title of the Paper
Author/s
Website: http://www.ss180-jf.blogspot.com/
Date of Access
(c) SS180-JF, July 2007


APA Format:
(Author/s, Last name/s first). (year of publication; in this case, 2007). (Title of article). In (name of website, italicized; in this case, Decolonizing Knowledge, Decolonizing the Social Sciences). (Publication information; here, place: University of the Philippines Baguio: Social Sciences 180-JF AY 07-08). (web address; here, http://www.ss180-jf.blogspot.com/).
(Date of access).
Showing posts with label Agham Panlipunan. Show all posts
Showing posts with label Agham Panlipunan. Show all posts

Friday, August 3, 2007

Hanna Pinky Villanueva and Naessah Verano:

Ang Pagkagapos ng Sistemang Akademya sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Agham Pampulitika

Ang pangongolonya ng mga bansang Kanluranin sa ibang bansa partikular na yaong mga bansang sinasabing bahagi ng ‘Third World” ay malaki ang papel na ginampanan sa kasaysayan ng buong mundo. Malaki ang naging epekto nito sa sa mga nakolonyang bansa. Sinasabi umanong malaki ang naitulong ng mga nangolonyang bansa sa mga nasakop nitong paganismo at barbarikong mga bansa: mula sa pamamahala, kalakalan at higit sa lahat sa edukasyon na di umano ay pinakamaigting na naimpluwensyahan. Ngunit,sinikap ng mga nakolonyang bansa na mabawi ang kanilang mga kalayaan . Ngunit matapos nnilang makamit ang mga ito, ang mga bagay ay hindi na maaaring maging katulad muli ng dati bago pa sila sakupin. Pisikal na malaya ang mga bansang ito ngunit ang kaisipan at mga pagpapahalaga ay patuloy na nakagapos at di makaalpas sa impluwenysa ng mga Kanluranin magpasahanggang ngayon.
>>>>>Hindi maitatatwa ang impluwenysa ng kanluranin sa akademya.kahit na ang mga sinsabing natural sciences ay hindi masasabing puro at obhektibo. Tulad na lamang ng matematika. Hindi lang ang Kanluranin ang may sistema ng numero kungdi bawat kultura at bansa ay may natatanging paraan o sitema ng pagbibilang o numero ngunit ang number system lamang ng Kanluranin ang ating kinikilala at tinatangkilik Ang mga one (1), two (2), centimeter (cm), kilometer (km) at pounds (lbs) ang nagsilbi nating pamantayan ng pagbibilang at ginagamit ng malawakan.Bata pa lang tayo, ito na ang mahigpit na itinuturo at masusing binabantayan ng ating mga magulang. Mukhang payak ang mga numero ngunit kung tutuusin ay malaki ang naidudulot nito sa ating paraan ng pag-iisip at pag-uugali. Halimbawa, kadalasan nating makikita sa mga sanaying aklat ang mga 1 apple + 1 apple= 2 apples. Sa paggamit ng mga salitang mansanas, naituturo na sa atin ang pagtangkilik sa produkto ng mga Kanluraning bansa at pag-iisip na anumang bagay na mula sa kanila ay kanais-nais at nararapat tangkilikin. Bukod pa rito, itinatanim din sa atin ang pagiging rasyunal at mekanistiko kung saan iisa lang ang maaaring pagsagot sa mga ganitong problema.
>>>>>Ang mga libro rin na ginagamit sa eskwelahan ay kadalasang akda ng mga kanluraning iskolar. Sa pag-aaral ng panitikan, ang mga classic works nila Plato, Aristotle, Machiavelli, Shakespeare, at marami pang iba ang siyang madalas na ituro sa atin. Ang kanila ring mga akda ang nagsisilbing standard o panuntunan natin sa ating mga gagawin. Maliban pa rito, naging patakaran na ang paggamit ng salitang Ingles sa maraming paaralan:sa pagsusulat at pananalita. Meron din tayong asignaturang Ingles na sinsabing ‘ang natatanging daan sa ating pag-unlad’. Hindi totoong mababa at makitid ang karunungang makukuha sa Filipino. Pakulo lamang ito ng mga maka-English na naniniwalang hindi tayo uunlad kung hindi tayo marunong mag-English. Ang tunay na karunungan ay yaong lumulutas sa pangangailangan ng tao, yaong nagagamit niya para mabuhay.May sarili na tayong teknolohiya para mabuhay at magsarili. May nalinang na tayong paraan ng agrikultura at mga industriya para masagot ang ating pangangailangang pangkabuhayan.Intelektuwalisado na ang ating wika noon pa man. May mga salita ito na naglalaman ng mga katutubong kaalaman sa pilosopiya, politika at teknolohiya. Totoong may sapat na kakayahan ang mga Pilipino na makipag-ugnayan sa mga dayo ngunit maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi natin makakamit ang tunay na sariling kamalayan kung patuloy tayong walang kakayahang makipag-ugnayan sa sarili nating mga kababayan, ang ugnayan sa mamamayang nananawagan ng pagababago.
>>>>>Mapupuna nating karamihan o minsan pa nga ay halos lahat ng ating binabasa ay nakasulat sa salitang Ingles at kalimitang ang mga may-akda nito ay mga white anglo-saxon protestant elite men (WASPEM). Tila magiging elitismo kung ang pag-aaral nito ay malilimita lamang sa sa mga scholars (yaong mga nasa akademya) sapagkat hindi lahat sa ating mga Pilipino ay hilig ang pagbabasa sa salitang Ingles lalo na yung mga scholarly articles.
>>>>>Kadalasan pa sa ating mga aralin ang paggawang halimabawa sa mga first world countries bilang huwaran na dapat nating tularan. Madalas silang ipakita bilang nasa rurok ng pag-unlad. Kung titingnan natin: sino nga ba ang nagtatakda ng panuntunan o standards? Hindi ba’t sila rin? Lumalabas din, gamit ang balangkas ng Kanluraning karunungan, na mali ang mga likas na pagpapahalaga natin na di umano ay hadlang sa ating pag-unlad. BAkit nga ba ganito? Tulad nga ng nabanggit na: mga WASPEM ang nagsulat ng mga inaaral natin kung saan tinitingnan nila ang kanilang mga sarili na higit pa sa atin. Bakit nga ba hindi kasama si Rizal sa poltical theorists na ating pinag-aaralan? Kung tutuusin, siya diumano ang isa sa pinakaunang theorist sa Asya?
>>>>>Isa sa nilalayon naming talakayin sa papel na ito ay ang isyu ng pagtuturo ng agham pampulitika sa sarili ng ating wika: Pilipino. Napuna ni G. Emmanuel Lallana (Salazar: 1991 na halos karamihan sa curriculum vite (CV) sa Departamento ng Agham Pampulitika na bihira at wala halos naglalathala sa wikang Filipino. Ngunit pagdating sa pagsasanay at praktikal na gawain higit na nakararami ang nagsusulat sa wikang Filipino. Ano nga ba ang kahihinatnan kung gagamit tayo ng wikang pambansa sa agham pampulitika? Naniniwala si G. Lallana na mas mapapalawig at mapapaunlad ang Agham Pampulitika sa pagtuturo ng wikang pambansa sapagkat mas mauunawaan ito ng masang Pilipino na kadalasang paksang tinatalakay sa mga aralin sa agham pampulitika. Nagbigay siya ng mga mungkahi kung paano ito magagawang posible. Una, sa tulong ng ibang mga departamento ng kolehiyo, maaariumanong makalikha ng isang ensiklopedia ng agham panlipunan, Bakit isang ensiklopedia? Sapagkat kung gagawa na rin lang ng glosaryo o listahan ng mga kataga, ensiklopedia na lang upang hindi malaki ang guguling halaga. Bakit sa agham panlipunan? Sapagkat kalimitan halos sa mga konseptong ginagamit ay magkakaparehas at magkakatumbas ang kahulugan at makakatulong ito upang mapalapit at mas maunawaan ang mga konseptong artipisyal at abstrakto na pilit na pinapalayo. Pangalawa, sa kanyang iminungkahi ay ang pagkakaroon ng “Reader sa Pulitika” sa Pilipino. May bentahe din umano ang nasabing babasahin sapagkat makukuha mo ang mga eksperto sa iba’t ibang larangan ng buhay sa pulitika. Hindi na ring kailangang gumawa pa ng panibagong pananaliksik sapagkat pagsasalin na lamang ang gagawin ng mga magiging awtor. Nararapat din umanong magkaroon ng pag-aaral sa pilosopiyang pampulitika. At ikaapat, ang pagkakaroon ng journal na kung saan ang lahat ng ilalahatla ay nasa salitang Pilipino.

>>>>>Sabi nga ni Randy David, “walang wikang umuunlad kung hindi ito naisusulat at binabasa. Walang wikang umuunlad kung ito’y hindi sinasanay na maglulan ng mga produkto ng kamalayan at iba’t-ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Kailangang makipag-usap ang ating sarili’t-katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isangtabi ito, sa maling pag-aakalang hindi na ito angkop sa bagong panahon. “
Sanggunian:
Salazar, Zeus(ed,) Ang P/Filipino sa Agham Panlipunan at Pilosopiya. Kalikasan Press: Manila. 1991

Wednesday, August 1, 2007

Karen Balderas:

Decolonizing Knowledge, Decolonizing the Social Sciences:
Issues, Concerns and Recommendations


“Pero hindi ito ang edukasyon na basta lang tumatalakay sa Science, English, at Mathematics. Hindi sapat na maging matalino ang isang mamamayan, kailngan n’ya ring malaman kung para saan at paano gamitin ang talino. Kung maabot n’ya ang antas ng karunungan kung saan magagawa n’yang paunlarin ang sariling bansa, sa halip na magpaunlad ng sarili sa ibang bansa, nagging matagumpay nga s’ya sa pag-aaral.”
-Bob Ong*


Ano nga bang klaseng edukasyon? Ano nga bang klaseng ideolohiya? Ano nga bang klaseng agham panlipunan mayroon ang Pilipinas?


Sa lahat ng materyales na binasa sa Socsci180 may isang konsepto na hindi kinaligtaan, ito ay ang kaalaman. Ano nga bang klaseng kaalaman? Sa punto nila Bishop, Altbach, Alatas at Prof. David at kahit mismo ang “pro-canon” na mag-isip na si Searle, may isang naghaharing uri ng kaalaman. Kaalaman na nakabase sa Kanluran. Ang kaalaman na ito na itinuturo sa pamamagitan ng edukasyon ay isang balakid para sa mga bansang pilit iniaahon ang sarili nito mula sa kahirapan tulad na lamang ng bansang Pilipinas. Kinakain nito ang isipan ng mamamayan. Pinipilit bulagin ang kaisipin ng mga mamamayan para sa mga kaalaman na hindi naman natin alam kung para saan at kung totoo nga bang kaalaman.


Isa ring nabanggit na konsepto ang kawalan ng representasyon. Oo, representasyon sa mga kababaihan, ibang kultura o bansa o salinlahi.


Ang research o pag-aaral ng mga Mahihirap na bansa ay limitado lamang. Halos lahat ng ginagawa na pag-aaral ng mga Third World o developing nations ay fieldwork lamang. Pero ang mga pag-aanalisa, rekomendasyon o konklusyon ay ginagawa ng mga mayayamang bansa.


Higt sa lahat ang agham panlipunan ay nakabase sa Kanluran at Maka-Kanluran.

Ano nga ba ang mga isyu na kinakaharap ng Agham Panlipunan dito sa Pilipinas?

Karamihan ng pinag-aaralan sa lahat ng disiplina sa Agham Panlipunan pati na rin sa Pilosopiya ay gawa ng mga taga-Kanluran (halimbawa nito ay ang mga gawa nila Marx, Heidegger, Plato, etc. ). Kokonti lamang ang mga gawang Pilipino na pinag-aaralan kung minsan pa nga, pahapyaw lang na binabanggit ang mga ginawa nila.

Pangalawa, limitado lamang ang suporta ng gobyerno sa edukasyon. Kung hindi man, mas sinusuportahan nila ang mga kurso na may kinalaman sa Agham at Teknolohiya o mga kursong nakaangla sa global economy. Kaya nalilimitahan o halos walang suporta ang mga taong nasa Agham Panlipunan.

Pangatlo, ang isyu ng ‘brain drain’. Maraming mahuhusay na Pilipino ang nawawala. Minsan mas pinipili ng mga indibiwal sa Agham Panlipunan na pumunta sa ibang bansa dahil mas malaki ang sweldo. Kung hindi naman, kumukuha sila ng pangalawang kurso na in-demand ngayon tulad na lamang ng nursing o pumupunta sila sa mga call center.



Rekomendasyon
Hindi madaling sirain ang isang naghaharing uri. Mahirap din na tanggalin ang isang idelohiya. Pero mas mahirap ang talikuran ang edukasyon na napayakap at tinatangkilik na natin.

Paano nga ba maaayos ang sistema ng edukasyon? Paano ba makakatulong ang Agham Panlipunan para isalba ang Pilipinas mula sa kinasadlakan nito?

Dapat sanang magkaroon ng reconstruction ng buong sistema ng edukasyon. Dapat tignan kung mahalaga nga ba ang papel na hinahawakan ng mga pinag-aaralan sa apat na sulok ng paaralan o baka naman nilalason lang nito ang isipan ng mamamayang Pilipino. Dapat talagang magkaroon ng reconstruction ang edukasyon. Bakit? Halimbawa nito ang kasaysayan, mas maraming panahon ang ginugugol ng mga istudyante sa pag-aaral ng kasaysyan ng ibang bansa. Samantalang limitado lamang ang pag-aaral ng mga ito tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas o mga mga katutubo nito. Ang edukasyon ba na hawak o itinuturo mula sa elementarya hanggang sa graduate school ay edukasyon na pupukaw sa kaisipan natin na maging isang indibidwal na maka-Pilipino o ito ay isang uri ng edukasyon na binabago ang kaisipan natin? Kung ang edukasyon na hawak natin ay ginagapos lamang tayo dapat nga itong buwagin at palitan ng isang sistema ng edukasyon na para sa mga Pilipino at maka-Pilipino.

Dapat pag-aralan kung ano nga ba kasing idelohiya ang nakapaloob sa edukasyon.

Sabi nga ng karamihan, ang edukasyon ang susi sa ‘pag-unlad’. Pero ano nga bang uri ng pag-unlad ang dulot ng edukasyon, ito ba ay pag-unlad na paurong o pasulong?

Dadagdagan ko lang ang sinabi ni Pro. Randy David, Hindi kayang solusyunan ng kasalukuyang Agham Panlipunan ang sitwasyong kinakaharap ng Pilipinas hanggat hindi tayo nagkakaroon ng isang Agham Panlipunan na Maka-Pilipino at para sa Pilipino.

Kung sakali nga na magkaroon na ng isang Pilipinong Agham Panlipunan. Mas maipaparating nito ang mga solusyun o pag-aaral nito sa mga mamamayang Pilipino kung ang gamit na lengguwahe ay Pilipino. Wala naman masama sa paggamit ng Ingles. Pero mas mauunawaan ng nakararami ang nais nitong ipabatid kung ang ginagamit na lenggwahe ay Pilipino.

Kasama rin dito, na sana kahit limitado lamang ang suporta ng gobyerno sa Agham Panlipunan, may mga indibidwal pa rin sa Agham Panlipunan na handang isakripisyo ang oras nila para pag-aralan ang Pilipinas at mga problema na kinakaharap nito. Ngayon kasi mayroong isyu ng ‘brain drain’, nawawala ang mga indibidwal sa Agham Panlipunan dahil mas pinipili nilang pumunta sa call center o kumuha ng pangalawang kurso na hinahanap sa ibang bansa tulad na lamang ng nursing.-


* mula sa librong Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino, mga Kwentong Barbero ni Bob Ong.